CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Sunday, August 17, 2008

Sa Dulo ng Bahaghari

Marahil ay masyado na kaming matatanda para isipin kung ano ang nasa dulo ng bahaghari. Pero para sa anak kong si Alice, hindi lamang bangang puno ng ginto ang naghihintay sayo kapag narating mo ang dulo ng pitong kulay na animo’y isang kalsada ng mga laso. Hindi lamang ginto, kundi isang libo’t isang kayamanan na hindi matutumbasan ng anumang salapi.

Ilang buwan pa lamang nang isilang ko ang aking anak nang muling sinimulan ni Mama ang kanyang hilig sa pagpipinta. Magaling na pintor si Mama, ngunit pinili niyang bitiwan ang kanyang ambisyon para sa isang higit na mabigat na propesyon, ang maging maybahay ng aking ama. Isa iyong pakikibaka para sa akin. Wala akong natatandaang masasayang alaala naming ni Papa. Marahil dahil ito sa kanyang mga bisyo na aking kinalakhan, sa mga gulo at away na kanyang sinimulan. Pero nanatili si Mama na nakaalalay sa kanya at pilit na binuo an gaming pamilya, kahit alam niyang sa huli ay aalis rin kami at magtataguyod ng sarili naming mga buhay.

Wala na sina Ate at ang kanyang pamilya nang balikan ni Mama ang pagpipinta. Matapos pakainin si Alice, siya’y hahawak ng pinsel at guguhit ng kung anu-anong kanyang maisipan. Isa na rito ang bahaghari. Sabi sa akin ni Mama noon, kapag narrating ko ang dulo ang bahaghari ay makakamit ko ang isang banga na puno ng gintong barya. Pero alam naman ng lahat na kathang-isip lang iyon.

Pero parang mas malalim ang nalalaman ni Alice tungkol sa bahaghari.

Minsan isang hapon, nadatnan ko si Alice na nakaupo sa kanyang andador. Nakakapagtakang wala si Mama gayong siya ang nag-aalaga sa aking munting anghel sa oras ng aking pagtulog. Nawawala si Mama. At si Alice ay nakatitig lamang sa harap ng larawan.

Tapos nap ala ang ipininta ni Mama. Isang babaeng mistulang papalapit sa dulo ng bahaghari na may ilang banga ng gintong barya. Matagal kong pinagmasdan ang larawan, at noon ko lamang napagtanto na kapareho ni Mama ng buhok ang babaeng kanyang iginuhit.

Ako’y nataranta. Agad kong hinalughog ang bahay, at wala si Mama. Wala rin ang ilan sa kanyang mga damit. Ginising ko si Kuya at sinabi kong umalis si Mama, pero bumalik lamang ito sa kanyang pagtulog. Lumabas ako ng bahay at nakita ko si Papa, nakatingin sa malayo.

“Pa, umalis si Mama.” Sambit ko.

“Hayaan mo. Babalik rin yan.” Sagot niya sa akin.

Pero hindi na bumalik si Mama.

Hindi ko alam kung kanyang hinanap ang ginto sa dulo ng bahaghari. Pero kung mayroong sigurado, iyon ay ang kalayaan na kanya nang natamo.

Hindi na bumalik si Mama.

0 comments: