Tumambad kay Carlito ang isang pamilyar na lumang bahay nang siya'y magkamalay. Kahawig nito ang tahanang kanilang pinupuntahan ng kanyang ina tuwing may mahalagang okasyon. Naaamoy niya ang tubig-dagat sa may dalampasigan, nguni't bagamat alam niyang nakarating na siya dito, tila ba hindi pa rin niya maalala kung saang bahagi ito ng mundo.
"Carlito!" isang babae ang tumawag sa kanyang pangalan. "Bakit andito ka?"
"Mama?" gulat siyang tumugon sa boses na tumawag sa kanya. "Asan ako?"
"Umakyat ka nga rito." utos nito sa kanya, na kanya namang sinunod.
Pagpasok ni Carlito sa bahay ay nasilayan niya ang mga lumang muwebles, ang andador kung saan sila naglalaro ng kanyang mga nakababatang kapatid na sina Ogie at Ferdie, at ang altar na puno pa rin ng mga sariwang bulaklak. Andito nga siya sa lumang bahay. Ang bahay ng kanyang lola.
"Mama, bakit kayo andito?" tanong ni Carlito sa kanyang Mama. Hindi ito ang kanyang ina, pero ang tawag ng halos lahat ng kaniyang mga kapamilya dito ay Mama. Si Mama ay kanyang tiyahin, ang nakatatandang kapatid ng kanyang ina.
"Siyempre, bahay ko 'to," ngiti nito sa kanya. "Maupo ka muna. Pagod ka siguro. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit ka naririto."
"Hindi ko rin alam Mama." sagot niya. "Basta paggising ko andito na ako."
Katahimikan. Matayog ang sikat ng araw, at ang mga alon ay kanyang natatanaw mula sa bintana. Bumukas ang pinto ng pamamahay, at may isang lalake ang pumasok.
"Tio Odit?" muling napitlag si Carlito nang makilala ang lalaki.
"O, may bisita pala tayo!" bati nito sa kanya. "Pasensiya ka na iho, walang tagay dito. Haha. Di ko naman alam na darating ka eh." Niyakap siya nito at siya'y napaisip. Isa ba itong panaginip?
"Mukhang hindi lamang siya bumibisita, Odit." sambit ng kanyang tiyahin. "Carlito, may naghihintay sa'yo sa baba."
Pagdungaw ni Carlito sa bintana ay natanaw niya ang isang taong matagal na niyang nais na muling makapiling. Nang siya'y makita, ngumiti ito sa kanya at kumaway.
"TAY!!!!!!!!!!!!"
Bumaba si Carlito at tumakbo patungo sa kanyang amang nakatayo sa may dalampasigan. Sinalubong siya nito ng mahigpit na yakap at halik sa magkabilang pisngi.
"Carlito, bakit ka naririto?" tanong nito sa kanya. "Hindi ba dapat nasa piling ka ng nanay mo? Napakabata mo pa para makarating dito." Aninag ang pag-aalala sa mga mata ng kanyang ama.
"Hindi ko rin alam, 'Tay. Basta ang alam ko kasama na kita ulit. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito, pero sinalubong ako ni Mama, at ni Tiyo Odit." hindi kumalas si Carlito sa pagkakayapos sa kanyang ama.
"Pati lola mo andito." sabi ng kanyang ama.
Muling napaisip si Carlito sa lahat ng nagyayari. Kapiling niya sa mga sandaling iyon ang kanyang ama, ang dalawang kapatid ng kanyang ina, at naroroon siya sa lumang bahay na alam niyang matagal nang natupok ng apoy. Pero bakit heto't muli itong nakatayo?
"Anak, ang sarap dito, hindi ba?" tanong ng kanyang ama. "Malamig, tahimik, mapayapa. Ito ang langit, anak. Pero hindi ba't masyado pang maaga para makarating ka dito?"
Langit. Ang kanyang ama, si Tiyo Odit. Si Mama. Lahat sila'y mga namayapa na. Noon lang napagtanto ni Carlito ang lahat.
R.I.P., Carlito P. Cumpas (1964-2008)
Tuesday, September 23, 2008
Nang bumaba ang ulap sa dalampasigan
Posted by You can call me Cheska-- at 12:08 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment