CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Thursday, January 10, 2008

Ang Bantay ni Tatay

Laging lasing si Tatay. Mula pa noong magkaisip ako ay lagi ko na siyang nakikitang lango sa alak halos araw-araw. Kung hindi siya magpapabili ng pulutan ay magpapabili siya ng alak. Sabi ni Kuya Peter naging ganon na si Tatay mula nang mamatay ang aming ina noong isiliang niya ako. Bata pa daw si Kuya noong nangyari iyon, pero hindi raw nya malilimutan ang pangyayaring nagbago sa buhay ng aming pamilya.

Sa pagkakaalala raw ng kuya ko, mahal na mahal ni Nanay si Tatay noong ito'y nabubuhay pa. Si Tatay lang raw ang walang pagpapahalaga sa kanya at puro mga kaibigan ang inaatupag. May pagka-babaero rin si Tatay. Pero ang lahat ng ito ay hindi inalintana ni Nanay, bagkus lalo pa niyang ipinadama ang pagmamahal nya rito. Kahit binubugbog na siya, at kahit pinagsasabihan na siya nina Lola na iwan na si Tatay ay hindi parin niya ito nilisan. Naging mabuti siyang asawa, at ina kay Kuya.

Nabuntis muli si Nanay, at ako na ang iyong dinadala niya. Sabi ni Kuya, kabuwanan na raw ni Nanay nung isang gabing nagkasagutan sila ni Tatay at nagulpi na naman siya nito. Dito na dinugo si Nanay at kinailangan nang dalhin sa ospital. Maselan ang pagbubuntis niya at dahila nga sa nabugbog pa siya ay nailagay sa alanganin ang kanyang panganganak. Nag-agaw buhay si Nanay hanggang sa mailabas ako. Ngunit siya nama'y nawalan ng maraming lakas at dugo kung kaya't agad siyang nanghina. Doon nagising ang Tatay mula sa kanyang kahibangan at humingi ng tawad kay Nanay. Nagmakaawa na sana siya'y mabuhay. Pero hindi na kaya ni Nanay. Sa kanyang huling hininga, and kanyang lamang nagawa ay bigyan si Tatay ng isang pangako. Ang pangakong hindi niya ito iiwan.

Sa pagkakaalala ni Kuya, matapos ang libing ni Nanay ay naging balisa na si Tatay araw-araw. Marahil ay dahil sa hindi ito sanay na wala ang Nanay sa kanyang tabi. Dahil dito ay pinilit niyang magpakalango sa bisyo para hindi na siya magising sa realidad ng aming pamilya. May mga pagkakataon rin daw na sinubukan na niyang magpakamatay, para tuluyan nang matakasan ang lahat.

Isang araw inatake sa puso si Tatay. Sabi ng doktor ay maaaring ikamatay niya 'yon sanhi na nga na malala ang naging epekto ng kanyang mga bisyo. Sabi naman ni Kuya, matagal nang gustong magpakamatay ni Tatay kaya para na rin sa ikabubuti ng lahat ay i-euthanasia na lang siya. Para naman daw hindi na mapahirapan pa ni Tatay ang kanyang sarili. Pero himala at nabuhay si Tatay. Paralisado ang kalahati ng kanyang katawan pero may sapat siyang lakas para mabuhay, at dahil rito ay hindi siya maaaring i-euthanasia. Hindi na siya makakapagsalita, at inilagak na siya sa isang wheelchair.

Inuwi namin si Tatay mula sa ospital at bakas sa mukha niya ang lungkot at takot. Sinenyasan nya ako na dalhin ko siya sa may balkonahe para masilayan ang paglubog ng araw. Nakita ko rin na iniwasan niyang tingnan ang letrato ni Nanay na nakasabit sa may dingding ng sala. Sinunod ko ang utos ni Tatay, at iniwan ko siya para tumungo sa kusina para maghanda ng merienda. Nang pabalik na ako sa balkonahe ay may nakita akong isang babae na nakatayo sa likod ng wheelchair ni Tatay. Mahaba ang buhok niya at parang siyang yumuko sa ulo ni Tatay. Nang tinitigan ko siyang mabuti ay parang kilala ko ang kanyang hitsura. Si Nanay.

Kinwento ko kay Kuya ang nangyari at parang balewala lang sa kanya iyon. Iyon daw talaga ang dahilan kung bakit nagpapakalango si Tatay. Nakikita niya si Nanay sa kanyang tabi. Iyon daw lagi ang kinikwento nito kapag hindi lasing.

Tumupad nga si Nanay sa kanyang pangako. Hindi niya iniwan si Tatay.

0 comments: